Of poverty, family and being bunso
June 12, 2006Narinig ko si papa. Sabi niya, kailangan daw nila pumunta ni mama sa mall para tingnan kung magkano yung ilaw na gusto nilang ilagay sa aming sala. Ginagawa na kse ni papa ang kisame ng sala namin. Oo. Sa 23 taon na nakatira kami dito, ngayon pa lang inaayos ang aming kisame sa sala. Di naman pala 23 taon na wala kaming kisame sa sala. Bago lang kasi ang parteng ito ng bahay namin. Hindi rin pala mashadong bago. Naaalala ko kasi, grade 3 pa yta ako nung ginawa nilang sala ang terrace namin para gawing kwarto ng nagbibinata kong kuya ang sala namin noon. Si papa lang ang karpintero namin. Sayang daw kasi ang ibabayad sa karpintero kung kaya naman niyang gawin iyon mag-isa nya. Shempre, tumutulong ako kahit papaano. Hinahawakan ko ang pinagpatong-patong na monoblock para wag itong umuga at huwag sya mahulog habang pinupukpok ang mga kahoy na magsisilbing pagdidikitan ng kisame.
Mula sa kusina, sumigaw ako na ako’y maliligo na. Nagtaka naman sila kung bakit ko kailangang isigaw iyon. Gusto ko lang ipaalam sa kanila na sasama ako. Kahit may sakit at alam kong mahihilo ako sa kalalakad sa mall, sasama pa rin ako. Minsan minsan ko lang nakakasama si papa sa mall. At tuwing kasama ko siya, umuuwi akong may dalang bagong damit o kaya’y pabango, o kaya’y kahit anong magustuhan ko. Kailangan lang ay may lakas ako ng loob na sabihing gusto ko ang bagay na iyon. Minsan lang naman. Para naman bukod sa mga damit na nabili ko sa tiangge at sa ukay-ukay, madagdagan na naman ng marangal na damit sa aking aparador. Natutuwa naman kasi sila papa na nagpapakapormal na ako ngayon sa aking mga sinusuot. Bihira naman kasi sa mga abogado ang naka-rubber shoes at t-shirt. Hindi kse pwedeng isuot iyon sa opisina, lalo na sa loob ng korte. Matagal ko nang gustong bumili ng bagong jacket na hindi ko alam kung anong tawag sa estilo. Basta yung kakaiba yung kwelyo. Yung malaki at malapad. Parang sa Amerikana.
Dapat, sa SM Sta. Rosa kami pupunta. Kaso, napakatagal umalis ng FX na sasakyan dapat namin papunta doon. Naghihintay pa kasi ng pasahero na mukhang wala naman talaga. Bakit nga ba kasi wala pa rin kaming sariling sasakyan hanggang ngayon. Ay. Meron pala. Meron pala kaming kotse na nadadala lamang pang-grocery sa labasan. Sobrang luma na kasi, hindi na yata tinatanggap para maiparehistro. Matagal ko nang hinihiling kay papa na bumili na ng bago. Siguro nga, sa pagkakataong ito, totoong wala kaming pera pambili. Kadalasan kasi, sinasabi niyang wala kaming pera, pero meron naman pala. Tulad na lamang ng pagsabi niya bago kami umalis kanina na wala siyang dalang pera.
Sa SM Southmall na lamang kami pumunta. Derecho agad sa bilihan ng mga ilaw. Kasama nga pala namin ang kuya ko na siyang pumili kung ano ang nababagay sa aming bahay. Gusto yata kasi nila papa, chandelier ang bilhin. Eh hindi naman iyon nababagay sa aming bahay. Sabi ko nga, baka mauntog kami sa chandelier.
Nang makita ko ang SUN shop, sabi ko kay papa, baka pwede namang bayaran ko na ang aking bill. MAhigit isang linggo na kasing putol ang aking linya. Pumayag naman siya agad at humugot ng pera mula sa bulsa.
Napatakbo ako nang makita ko ang Sari-sari Store. Nakasuot sa manequin ang jacket na gusto ko. Ipapakita ko lang naman sana sa kanya kasi sabi niya, wala siyang dalang pera. Nang aking isukat, at nang makita niyang sakto sa akin… Kunin ko na daw.
Pagdating sa bahay. Balik na naman ako sa kama. May sakit nga pala ako.
Kahit na mahirap lang, masaya naman. Lagi ako napagbibigyan. Napakasarap talaga maging bunso.



